Kinilala ni NBI Director Nestor Mantaring ang nadakip na si Paul Tan, may mga alyas na Paul Ang, Huang Penhui-Tan at Paul Cayetano Uy, 38, at residente ng #50 Makabagdal St., Caloocan City.
Sa ulat na isinumite ng NBI-Anti-Illegal Drugs Task Force, itinatag ng Wang Wei Cheng Drug Trafficking Group na kinabibilangan ni Ang ang dalawang shabu mega laboratories sa Pilar at Mariveles, Bataan. Ito ay base sa PDEA Case Operation Plan Eclipse.
Sinalakay ng mga pinagsanib na puwersa ng PDEA, NBI at PNP-Anti-Illegal Drugs Task Force ni dating Director Ricardo de Leon ang naturang mga laboratoryo kabilang na ang isa pang laboratoryo sa Meycauayan, Bulacan noong 2004.
Umaabot sa P1 bilyon ang halaga ng mga shabu materials at mga equipments ang nakumpiska ng mga awtoridad habang naaresto ang isang caretaker ngunit nakatakas naman ang maintainer na si Tan at mga Chinese chemist.
Nakatanggap naman ng impormasyon ang NBI at PDEA sa pinagtataguan ni Tan sa Caloocan City na agad sinalakay. Nadakip ang suspect sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Bartolome Flores ng Bataan Regional Trial Court Branch 4 noong Disyembre 2005.
Patuloy namang pinaghahanap ang mga kasamahan nito na sina Thomas Sy; Benzon Chua; Usbono Chua, alyas Mr. Co; Andy Ang; at kanilang lider na si Wang Wei Cheng, may mga alyas na Allan at Mr. Lim.
Nabatid din na konektado ang mga laboratoryo sa Pilar at Mariveles, Bataan sa Cagayan de Oro shabu laboratoryo na sinalakay din ng mga awtoridad. (Danilo Garcia)