Holdaper patay sa sekyu

Patay ang isang hinihinalang holdaper nang barilin ng security guard nang tangkaing holdapin ng una ang isang empleyado sa binabantayang kompanya ng huli sa lungsod ng Maynila kahapon ng umaga.

Agad na nasawi sanhi ng tinamong tama ng punglo sa likod at dibdib ang umano’y holdaper na si Dionisio Mijares, 22,tubong Leyte at residente ng Block 14, Sawata 3, Dagat-dagatan, Caloocan City.

Sumuko naman ang guwardiya na si Manuel Bocal, 27, empleyado ng Gulf Pacific Security Agency .

Base sa ulat ng Manila Police District-Homicide Division, alas-6:30 ng umaga nang makarinig ng katok sa pinto si Bocal sa binabantayan nitong Edison Lee Marketing Corporation na nasa Madrid at Lavezares St., Binondo.

Pagbukas niya sa pintuan ay nakita nito ang kanyang kasamahan na si Elias Nana Jr. na hinoholdap na ni Mijares gamit ang isang patalim.

Agad namang rumesponde ang guwardiya at tinutukan nito ng baril si Mijares subalit sa halip na tumigil ay sinugod nito si Bocal ng saksak.

Sa puntong ito, agad nang pinaputukan ni Bocal ang suspect na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan. (Danilo Garcia)

Show comments