"Tututulan talaga namin iyong motion for inhibition, kasi lalo lang madi-delay iyung proceedings kawawa naman iyung kliyente ko kasi sila yung nakakulong," pahayag ni Atty. Dodie Encinas.
Si Encinas ay abogado ng mag-asawang Noel and Rowena San Andres, dalawa sa limang akusado na itinuturong mga kasama ni Roldan sa pagdukot sa batang tsinoy na si Kenshi Yu noong Pebrero 9, 2005.
Sa isang interview sinabi ni Encinas na sa kasalukuyan ay hindi pa niya nakakausap ang iba pang abogado ng mga kasamang akusado subalit posibleng iisa lang ang kanilang sasabihin, ang pagtutol sa isinampang inhibition laban sa lady judge na nagsimula nang payagan nitong makapagpiyansa si Roldan sa halagang P500,000.
Dagdag pa ni Encinas na dahil sa isinumiteng motion for inhibition ng prosekusyon ay hindi na matutuloy ang August 22 at Sept. 5 na hearing ng kidnapping case na isinampa sa sala ni Carpio.
Matutuloy lang ang pag-usad ng kaso kung masosolusyunan kung dapat ngang ma-inhibit si Judge Carpio o hindi.
Pahayag pa nito na kung matutuloy ang pag-inhibit kay Judge Carpio ay matatagalan muli ang pagtutuloy ng hearing dahil kinakailangan muling ira-raffle ang kaso kung sino ang judge na hahawak nito.
Samantala sinabi pa ni Encinas na nalungkot ang kanyang mga kliyente ng pagbigyan ng lady judge ang motion for bail ni Roldan, samantalang sila ay hindi inaprubahan at hanggang sa ngayon ay nakapiit. (Edwin Balasa)