Sa panayam kay Atty. Cecilia Magnayon, nakatatandang kapatid ni Nani, matapos na ihayag nila at ng mga saksi sa media ang maling pamamaraan ng pag-aresto ng pulisya sa huli ay nakakatanggap na sila ng pagbabanta sa buhay. Maging si Nani na nasa piitin ay nangangamba na rin sa kanyang buhay.
Kaugnay nito, patuloy pa ring humihingi ng hustisya ang pamilya ni Nani na sinasabing "fall guy" at itinuturong gunman ni RPN-9 cameraman Ralph Ruñez.
Magugunita na si Ernani ay dinampot ng mga nakasibilyan at pawang mga naka-bonnet na operatiba ng Caloocan City Police dakong alas-7:30 ng gabi noong Agosto 3 at iniugnay na sa kasong Ruñez-slay. Ito ay sa kabila na wala kahit isang testigo na saksi sa naganap na panghoholdap at pagpaslang kay Ruñez ang kumilala dito bilang gunman. (Rose Tamayo-Tesoro)