2 abortionist, 2 pang kasabwat arestado

Sa halip na ipalaglag ang dinadalang sanggol , tinalo ng kanyang konsensiya ang isang babae at siya ring nagpadakip sa dalawang hinihinalang abortionist at dalawa pang babaeng kasabwat nito sa magkahiwalay na lugar sa Malabon.

Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga abortionist na sina Josie Jordan, 28, ng Tugatog, Malabon City at Herminia Sales, 40, ng Kaingin, Malabon. Dinakip din ang mga kasabwat ng mga ito na sina Elvira del Rosario, 54, tindera ng herbal na gamot ng Tondo, Maynila at Anna Basco, 29, ng Malabon City.

Sa ulat ng NBI-National Capital Region, lumapit sa kanila ang biktimang itinago sa pangalang Gina. Sinabi nito na nagtangka siyang ilaglag ang kanyang dinadalang sanggol at lumapit sa suspect na si del Rosario na nakapuwesto sa Quiapo, Maynila.

Dinala naman siya nito sa isang bahay sa Malabon na pag-aari ng isang Naty Santos at inuupahan ng suspect na si Jordan bilang klinika. Nagkasundo ang dalawa sa halagang P3,500 para sa pagpapalaglag ngunit nang uumpisahan na ang operasyon ay umatras si Gina dahil sa takot at konsensiya. Nagkunwari ito na babalik na lamang paghanda na siya.

Itinuro rin ng suspect na si del Rosario ang isa pang bahay na ginagawang klinika sa M. H. del Pilar, Tenejeros, Malabon na pag-aari ng midwife na si Amparo Dionisio. Dito nakilala ng asset si Sales na humingi ng mas mataas na P8,000 para sa operasyon.

Agad na nagplano ng entrapment operation ang NBI kung saan unang pinasok nito ang klinika ni Jordan at isinunod ang klinika ni Sales. Naaresto sa naturang operasyon ang apat na suspect na nagpositibo sa paghawak sa marked money. Isinampa na ang kaukulang kaso laban sa mga nadakip. (Danilo Garcia)

Show comments