Sinabi kahapon ni MPD-District Intelligence and Investigation Division chief, Sr. Supt. Edgar Danao na mas higit ngayon ang isinasagawa nilang pagbabantay sa buong lungsod dahil sa patuloy pa rin silang nakakatanggap ng intelligence report ukol sa banta ng posibleng pagsalakay ng mga kalaban ng pamahalaan sa mga pangunahing establisimiyento kabilang na ang mga presinto ng pulisya.
Dahil dito, tumanggi pa rin ang pamunuan ng MPD na buksan ang ilang mga gate sa compound kabilang na ang lagusan na kumukonekta sa tanggapan ng MPD Press Corps sa mga dibisyon sa loob ng headquarter.
Inihayag din naman ni MPD officer-in-charge Sr. Supt. Danilo Abarsoza ang pagtatatag ng sariling "Task Force Usig" sa lungsod kaugnay ng nagaganap na "extrajudicial killing" sa mga miyiembro ng media, militante at ibang sektor sa lipunan.
Umapaw naman ang loob ng MPD-Headquarters matapos na damputin ang tinatayang 339 katao na hinihinalang sangkot sa ibat ibang mga krimen sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod na bahagi ng programa ng prebensiyon laban sa kriminalidad bago pa man maganap. (Danilo Garcia)