Kinilala ang naarestong suspect na si Antonio Dumala, alyas Almedo Aram, umanoy lider ng Global Empire Covenant Divine Government, na ayon sa pulisya, ay isang kulto, habang nasagip naman sa ginawang pagsalakay ang labing-isang kabataan, apat sa mga ito ay lalaki at pitong mga dalagita.
Ayon sa ulat, dakong alas-6 ng gabi nang kanilang salakayin ang bahay ng suspect sa #2 East Drive, Brgy. Marikina Heights ng lungsod na ito sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng Marikina Regional Trial Court (RTC) upang mabuksan ang gate ng nasabing compound matapos na makatakas ang isa sa mga dalagita na siyang nagsumbong sa pulisya dahil sa ginagawa umanong sex slave ang mga dalagita doon habang sapilitan namang pinagtatrabaho ang mga kabataang lalaki.
Napag-alaman pa na nire-recruit ng suspect ang mga kabataang babae sa probinsiya na nag-eedad 14-18 at pinapangakuan ang mga magulang nito na bibigyan ng magandang trabaho sa Maynila.
"Pagbukas lang ng gate ng compound ang nakalagay sa pinirmahang warrant ng judge pero hindi nakalagay doon ang pagbubukas ng pintuan ng bahay kaya wala kaming nagawa kundi bantayan muna ang bahay dahil may info kami na doon nakatago yung iba pang miyembro at meron pa raw itong underground tunnel. Natiyempuhan lang namin yung suspect sa labas ng bahay kaya naaresto," pahayag ni PO2 Albert Zeller, isa sa mga pulis na sumama sa operasyon.
Sa kasalukuyan ay sinampahan ng kasong child abuse at serious illegal detention ng pulisya ang suspect habang nakatakda namang isunod ang kasong rape laban dito. (Edwin Balasa)