5,000 katao apektado ng kontaminadong tubig

Nanganganib na magkaroon at tuluyang kumalat ang epidemya sa isang barangay sa Pasay City dahil sa tinatayang nasa 5,000 residente rito ang apektado ng kontaminado o mabahong tubig na lumalabas sa kanilang mga gripo.

Nabatid na 105 pamilya sa Brgy. 171 ang nagharap ng reklamo sa kanilang barangay chairman na si Rolando Cruz upang iparating sa pamunuan ng Maynilad ang kanilang sitwasyon.

Nakasaad sa letter of complaint ng mga residente na ang tubig na lumalabas sa kanilang mga gripo ay kulay itim at mabaho o amoy kanal.

Ayon kay Ginang Esperanza Dionisio, ng E. De Guzman St. ng nabanggit na barangay na simula pa noong buwan ng Hunyo ay ganito na ang kanilang nararanasan.

Dagdag pasan pa umano sa kanila ang mabaho at maruming tubig dahil sa napipilitan silang bumili ng refill water para inumin at ipampaligo.

Binanggit pa ng mga residente na noong nakaraang taon pa silang nagreklamo sa Maynilad, ngunit hanggang sa ngayon ay wala pang aksyon ang naturang tanggapan. (Lordeth Bonilla)

Show comments