Pedicab driver kinatay dahil sa masamang tingin

Dahil lamang sa masamang tingin, pinagtulungan saksakin ng apat na hindi nakikilalang mga suspect ang isang 36-anyos na pedicab driver, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Namatay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang nakilalang si Edgardo Francisco, ng Area A, Gate 2 Parola Compound, Tondo dahil sa apat na saksak sa katawan.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa apat na hindi nakikilalang suspect na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Base sa ulat ng pulisya, dakong alas-11 ng gabi ng maganap ang insidente sa harapan ng Estelas Store na matatagpuan sa panulukan ng Delpan at San Gabriel Sts. sa Tondo.

Nabatid na bago ang krimen, nag-iinuman umano ang biktima kasama ang mga kaibigan sa harapan ng nasabing tindahan, bigla na lamang umano napatingin ang biktima sa grupo ng mga suspect na ikinagalit ng mga ito.

Nabatid na minasama ng mga suspect ang tingin ng nasawi kaya agad nilang nilapitan ang huli at saka naglabas ng patalim at pinagtulungang saksakin ito saka mabilis na tumakas. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments