Sa ulat ni P/Supt. Roger James Brillantes ng District Intelligence and Investigation Division (DIID) kay QCPD Director, Chief Supt. Nicasio J. Radovan Jr, kinilala ang mga nasakoteng holdaper na sina Rolando Javier, Edwin Rasonable at Rodney Abbas.
Napag-alaman na ang mga suspek ay responsable umano sa pagpaslang sa isang pulis na nakatalaga sa Camp Crame at sa serye ng highway robbery sa NLEX at sa kahabaan ng EDSA. Dakong alas-7 ng umaga kahapon nang makarating ang impormasyon sa QCPD-DIID na lulan ang tatlong suspects sa Corinthian Bus PWR-459 na galing Bulacan patungong Baclaran at inabangan ng QCPD secret marshall sa EDSA sa Balintawak, Quezon City.
Habang nakaposte sa loob ng aircon bus sa bawat kanto ang mga tauhan ng DIID, pagsapit sa paanan ng Guadalupe bridge, bigla na lamang nagdeklara ng holdap ang mga suspect at habang nililimas ang salapi at cellphones ng mga pasahero ay agad naman silang dinamba at dinakip ng mga awtoridad. Nakumpiska sa mga holdaper ang mga patalim, baril, mga salapi at alahas na kinulimbat nila sa mga pasahero ng bus. Nakapiit na sa DIID detention cell ang mga suspect at takdang kasuhan kaugnay ng ginawang panghoholdap. (Angie dela Cruz)