Ayon kay NDCC Executive Director ret. Major Gen. Glen Rabonza, umabot sa hanggang baywang ang tubig-baha sa Valenzuela City na nakaapekto sa may 2,600 katao.
Halos hindi na umano makagulapay sa mataas na tubig ang mga residente ng Malabon dahil sa sinasabayan pa ng high tide ang malakas na pag-ulan. Tanging mga bangka ang ginagamit na transportasyon dito dahil sa hindi na madaanan ng kahit anong uri ng mga sasakyan. Hindi lang umano ito ang kanilang problema sa kasalukuyan dahil sa halos kalahating porsiyento ang itinaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin,
Samantala nalubog din sa tubig-baha ang maraming lugar sa Maynila.
Umabot ng lagpas tuhod ang taas ng tubig sa kahabaan ng España Avenue sa may Sampaloc, Maynila kung saan nahirapang makadaan ang maliliit na sasakyan.
Tumaas din ang tubig sa Rizal Avenue partikular sa R. Papa, sa Taft Avenue partikular sa Quirino Avenue, Pedro Gil St. hanggang sa United Nations Avenue. (Joy Cantos, Rose Tamayo Tesoro at Danilo Garcia)