Nabatid na lampas-tao na ang tubig-baha sa Artex Compound, Brgy. Panghulo, habang hanggang dibdib naman ang sumalanta sa Brgy. Dampalit ng nabanggit na lungsod dahil sa high tide na umabot sa 1.56 metro bukod pa sa naiipon na tubig-ulan.
Lubusang naapektuhan ngayon ng mataas na tubig ang Malabon at Navotas dahil na rin sa pagkasira ng ilang dike rito at pag-apaw ng Malabon River.
Nagdulot naman ng mabigat na daloy ng trapiko ang nagkalat na basura sa Tullahan Bridge matapos na umapaw ang Tullahan River sa Valenzuela City dahil sa walang patid na pag-ulan.
Hindi rin nakaligtas sa baha ang mga barangay ng Arkong Bato, Polo, Balangkas, Tagalag, Coloong, 1 at II, Veinte Riales, Mabolo, Lingunan, Karuhatan at Dalandan sa lungsod ng Valenzuela.
Ilang bahagi naman sa Caloocan City partikular na ang Libis Espina St., Tamban St., Brgy. 14 at ang kahabaan ng Lapu-Lapu Avenue ay umaabot naman hanggang hita ang tubig-baha at hindi na nadaanan ng maliliit na sasakyan.
Nagsagawa naman ng relief at evacuation operation ang lokal na pamahalaan ng Malabon at Navotas upang agad na mailikas ang mga residente na grabeng naapektuhan ng pagtaas ng tubig. (Rose Tamayo Tesoro)