Kinilala ang mga nadakip na sina Chung Hao Tsai, 41; Harry Fe, 36; Weng Chih Chung, 31; Wu Sheng Chin, 43 at Chen Yin Lu, 54.
Ayon kay PNP-CIDG director Chief Supt. Jesus Verzosa, dakong alas-10 ng gabi kamakalawa ng salakayin ng kanyang mga tauhan ang isang shabu lab sa Mayuga Compound sa MIA Road, Brgy. Tambo sa nabanggit na lungsod.
Nasamsam sa lugar ang bultu-bultong mga bote na naglalaman ng ephedrine, isang uri ng kemikal na ginagamit sa paggawa ng shabu, freezers at mga kagamitan na ayon sa opisyal ay tinatayang aabutin sa multi-milyong halaga.
Isang linggong surveillance ang isinagawa ng pulisya bago ang aktuwal na operasyon.
Nabatid na ang mga botelya ng kemikal ay ibinabaon sa lupa upang makaiwas at maitago sa mga awtoridad, pero itinuro ito ng tipster ng CIDG.
Hindi na nakapalag pa ang mga dayuhang suspect matapos na makorner ng mga awtoridad.
Napag-alaman pa na ang nasabing warehouse ay pag-aari ng suspect na si Chung Hao Tsai na nauna nang napaulat na isang Taiwanese pero sa mga nakumpiskang dokumento ay nagmula pala ito sa mainland China.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga nasakoteng Chinese drug trafficker. (Joy Cantos at Lordeth Bonilla)