Nabatid na imbes na mabigyan ng kaukulang solusyon ang patuloy pa ring pagtaas ng tubig-baha dahil nga sa nasirang seawall sa Borromeo St., Brgy. Longos ng nabanggit na lungsod ay mas lumubog pa ito sa tubig dahil sa pagpasok ng high tide at patuloy na pag-ulan.
Napag-alaman pa sa local disaster coordinating council na patuloy pa rin ang pag-apaw ng rumaragasang tubig mula sa Malabon River. Kaugnay nito, agad namang nagpadala ng rescue team ang Phil. Navy sa pamamagitan ng 202nd Brigade na tutulong sa mga naapektuhang residente.
Nagdulot din ang patuloy na pagtaas ng tubig sa CAMANAVA area nang pagkaparalisa sa maraming negosyo rito.
Samantala sa Maynila, daan-daang pamilya rito ang inilikas ng pamahalaan bunsod sa pagtaas ng tubig sa Pasig River at Manila Bay dahil pa rin sa bagyong Florita.
Ayon kay Dr. Joey Baranda, OIC ng Manila Dept. Social Worker na kamakalawa ng gabi habang nasa kasagsagan ng malakas na pag-ulan dala ng bagyong si Florita ay inilikas nila ang may 132 pamilya mula sa 62 bahay.
Nawasak kasi ang mga bahay ng mga ito na nakatirik sa tabi ng Pasig River at Manila Bay ng malakas na hangin at hampas ng tubig.
Dahil sa pag-apaw ng Manila Bay sanhi ng high tide ay bumaha rin sa paligid ng Baywalk sa Roxas Blvd. (Rose Tamayo-Tesoro at Gemma Amargo-Garcia)