Mag-asawa ipinapatay ng kapitbahay

Arestado ang isang 44-anyos na ginang makaraang mabuko itong nagplano at nag-utos sa manliligaw ng kanyang anak na dalaga na patayin ang mag-asawang kanyang kapitbahay, kamakalawa ng hapon sa Pasig City.

Hindi na nanlaban nang dakpin ng mga tauhan ng Pasig Police ang suspect na si Adoracion Consicio sa loob ng kanyang bahay sa Ballesteros Compound, Mangga II Subd. Nagpayong, Brgy. Pinagbuhatan ng nabanggit na lungsod.

Positibo itong itinuro ng nakaligtas na biktima na si Editha Baldomar, 42. Nagtamo ito ng ilang saksak sa katawan.

Minalas namang masawi ang mister ni Editha na si Bernie na nagtamo ng apat na saksak sa katawan makaraang atakihin ng suspect na si Sammy de Leon, manliligaw sa anak na dalaga ng pinaka-utak na si Consicio.

Ayon sa ulat, dakong alas-5:30 ng hapon kamakalawa nang pasukin ng suspect ang bahay ng mag-asawa na noon ay natutulog. Walang sabi-sabing inatake ng saksak ng suspect ang dalawang biktima.

Bagamat sugatan ay nakuha pa ng babaeng Baldomar na makatakbo at makahingi ng tulong. Nakita rin nito kung paano inabot ng suspect kay Consicio ang ginamit nitong patalim at sinabi pa ng salarin na nasaksak na niya ang mga biktima.

Humingi pa raw ng pera ang suspect kay Consicio para ipamasahe sa pagtakas.

Kaagad namang naisugod sa pagamutan ang mag-asawa subalit patay na nang idating dito si Bernie.

Lumalabas sa imbestigasyon na noon pang nakaraang taon ay ilang beses nang nag-away ang pamilya Consicio at Baldomar na nauwi pa sa pagsasampahan nila ng kaso sa barangay.

Kasalukuyang nakapiit si Consicio habang isang manhunt operation naman ang isinasagawa ng pulisya laban sa suspect na si de Leon. (Edwin Balasa)

Show comments