Isang hinihinalang turista na napagtripan na sumakay sa jeep ang nasawi makaraang pagsasaksakin ng dalawang holdaper, kahapon ng madaling-araw sa Ermita, Maynila. Patuloy na kinikilala ang nasawi na nasa pagitan ng 50-54 taong gulang, 56-57 talampakan ang taas, caucasian, at nakasuot ng asul na t-shirt at pantalong maong. Nagtamo ito ng apat na saksak sa katawan. Ayon sa ulat ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa loob ng pampasaherong jeep na may plakang NXT-646 sa may Quezon Bridge, Ermita. Ayon sa driver na si Rannie Lee, sumakay ang mga suspect sa may kanto ng Taft Avenue at P. Ocampo sa Malate, habang ang biktima naman ay sumakay sa minamaneho niyang jeep sa may Pedro Gil St. Pagdating sa ibabaw ng Quezon bridge sa may Lawton ay nagdeklara na ng holdap ang mga suspect. Nabatid na nanlaban umano ang biktima sa mga suspect sanhi upang pagsasaksakin siya ng mga ito. Mabilis namang tumakas ang mga suspect matapos na makuha ang wallet ng biktima kung kaya walang ID na nakuha rito. Isang manhunt operation ang inilunsad ng pulisya laban sa tumakas na mga suspect.
(Danilo Garcia) Tumanggi sa kikil kinatay |
Agad na nasawi ang isang obrero nang pagtulungan itong saksakin ng tatlong lalaki na bangag sa ipinagbabawal na gamot makaraang tumanggi itong magbigay ng panigarilyo sa mga suspect, kahapon ng madaling-araw sa Malabon City. Namatay sanhi ng tinamong 17 saksak sa katawan ang biktima na si Carlos dela Cruz, ng Brgy. Tañong ng nabanggit na lungsod. Kasalukuyan namang tinutugis ng pulisya ang mga suspect na nakilalang sa mga pangalang Mario, Jacko at Eric na mabilis na nagsitakas matapos ang pamamaslang sa biktima. Batay sa nakalap na ulat dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente hindi kalayuan sa bahay ng nasawi. Papasok na sa kanyang trabaho ang biktima nang biglang harangin ng mga suspect na noon ay lango sa droga. Kinikikilan ng mga ito ang biktima para umano pambili nila ng sigarilyo. Dahil sa walang pera na naibigay ang biktima ay nairita ang mga suspect at halos sabay-sabay na inundayan ng saksak sa katawan ang una. Matapos makitang nangingisay na ang biktima ay mabilis na nagsitakas ang mga suspect.
(Rose Tamayo-Tesoro) Nene kritikal sa ligaw na bala |
Kritikal sa pagamutan ang isang 10-anyos na nene nang tamaan ng ligaw na bala sa ulo mula sa baril na pinaputok ng hindi nakikilalang suspect, kamakalawa ng gabi sa Quezon City. Nakilala ang biktima na si Elyza Dizon, grade 4 pupil at residente ng Commonwealth Heights, Commonwealth Avenue ng nabanggit na lungsod. Bunsod nito isang malawakang follow-up operation ang isinasagawa ng mga awtoridad upang makilala at madakip ang suspect. Ayon sa ulat, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente di kalayuan sa bahay ng biktima. Masaya umanong nakikipaglaro si Elyza ng marinig ang pag-alingawngaw ng isang putok ng baril kasunod nito ang biglang paghandusay ng biktima. Umagos agad ang dugo buhat sa ulo kaya mabilis na isinugod sa pagamutan at doon natuklasan tinamaan sa ulo ng bala ng baril.
(Angie dela Cruz)