Ibinaong fetus kinalkal, kinain ng aso

Isang fetus ang natagpuan makaraang mahukay ito ng gutom na aso at kainin, kamakalawa ng hapon sa Marikina City.

Ayon sa ulat ng pulisya, ang fetus ay tinatayang nasa apat na buwan ay natagpuang nakabaon sa isang bakanteng lote sa Palay Extension, Tumana Brgy. Concepcion Uno ng nabanggit na lungsod dakong alas-3:30 ng hapon.

Samantala, pinaghahanap naman ng pulisya ang isang nagngangalang Ethel na sinasabing ina ng natagpuang fetus.

Nabatid sa mga residente ng lugar na natagpuan ang fetus matapos na makalkal ito ng isang asong gala sa pinagbaunan dito at saka tinangay ang pinaglagyan nitong plastic.

Nang suriin ay doon tumambad ang halos gutay-gutay nang fetus na sinisimulan nang lapain ng aso.

Lumalabas na anak umano ng isang nagngangalang Ethel ang natagpuang fetus na pinalaglag noong Hunyo 25.

Posibleng matapos ay doon na lamang ibinaon sa mababaw na hukay kung kaya naamoy ito at nagawang bungkalin ng aso.

Pinaghahanap ang ina na sinasabing umalis na sa naturang lugar. (Edwin Balasa)

Show comments