2 miyembro ng carnap gang, timbog

Nadakip ng pulisya ang isang lalaki at isang dalaga na tatlong buwang buntis na hinihinalang miyembro ng isang carnap gang matapos na ibangga ng mga ito ang ninakaw na van sa Sampaloc, Maynila.

Nakilala ang dalawang nadakip na sina Jacob Limbaga, 23 at Princess Kintanat, 18, dalaga. Ang dalawa ay kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa anti-carnapping law.

Pinaghahanap naman ang tatlo nilang nakatakas na kasamahan na nakilalang sina Reysan Yalung, alyas Batibot; isang alyas Abu at alyas Louie.

Ayon sa ulat ng pulisya nadakip ang dalawang suspect dakong alas-3 kahapon ng madaling-araw sa Brgy. Doña Josefa, Quezon City matapos na ibangga ang kinarnap nilang isang Toyota Lite Ace na may plakang TCB-483 sa isang traffic sign.

Nabatid na nawala ang naturang sasakyan na pag-aari ni Benjamin Saludes noong Hunyo 21 habang ito ay nakaparada sa harap ng kanilang bahay sa 2127 Sobruedad, Sampaloc, Maynila.

Dahil dito, agad namang nagpalabas ng alarma ang MPD sa buong kapulisan sa Metro Manila upang mahanap ang naturang sasakyan.

Ayon naman sa suspect na si Kintanar, nakaistambay lamang umano siya sa may Blumentritt sa Sampaloc nang dumating ang apat na lalaki kasama ang ka-live-in niyang si Yalung.

Pinasakay umano siya sa ninakaw na sasakyan para umano mag-joy-ride, nang makarating sila sa Quezon City ay naibangga ng driver na si Louie ang sasakyan dahil sa kalasingan.

Tiyempo naman na may nagpapatrulyang pulis kung kaya natimbog ang mga ito at nabatid na ang gamit na sasakyan ay nakaalarma.

Itinanggi nito na may kinalaman siya sa pangangarnap.

Nakatakas naman ang tatlong suspect, habang naiwan sa van si Kintanar at Limbaga.

Ipinagtapat ni Limbaga na balak umano nilang pilahan si Kintanar at naghahanap lamang sila ng lugar nang sila ay mabangga.

Nabatid na matagal na umanong nagsasagawa ng pagnanakaw ng sasakyan ang naturang grupo. (Danilo Garcia)

Show comments