Naapektuhan ng balasahan na nilagdaan ni BoC-NAIA District Collector Ricardo Belmonte ang mga opisyal ng In-Bond Section na sina Atty. Romeo Sarte, hepe ng BAD; Evangeline Lagman, OIC, In-bond Room; Corazon Mansueto, COO III-In-bond room; at mga warehousemen na sina Renee Dandan, Aurora Carlos, Jonathan Mesa, Roy Kelvin Alegro at Alfredo Junio na pawang inilipat sa BoC Administrative Division.
Itinalaga naman bilang mga kapalit sina Col. Carmelita Talusan, kasalukung chief ng arrival operations division; Estelita Nario na siyang magiging OIC ng In-bond; Carol Dofitas, COO III ng baggage room; Nestor Altajeros, Lope de Castro, Mary Zen Yuchongco at Bilyamin Omar, magiging concurrent warehousemen.
Ayon sa impormasyong nakalap mula sa tangapan ni Belmonte, ipinag-utos nito ang malawakang pagbalasa kaugnay sa ulat na pagkakawala ng mga alahas na nakumpiska mula sa stewardess ng Philippine Air Lines (PAL) na nagtangkang magpuslit ng mga alahas mula sa Singapore at ng negosyanteng si Miguel Reverente, may-ari naman ng kinumpiskang alahas na nagkakahalaga ng P12.5 milyon, mahigit limang taon na ang nakararaan.
Base sa rekord, hiniling ni Reverente kay Sarte na noon ay hepe ng In-bond section na iimbentaryo ang mga alahas dahil planong bawiin ng una ang ibang alahas na nagkakahalaga ng P2.2 milyon. Nang pumayag ang BoC na magkaroon ng imbentaryo, natuklasan ni Reverente na nawawala ang iba niyang alahas. (Butch Quejada)