Ayon kay Manila 6th District Councilor Greco Belgica, sisiyasatin nila ang katotohanan sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na inabuso ng isang Daniel Cabangbangan, officer-in-charge (OIC) ng Boys Town ang mga batang nasa loob ng institusyon.
Iginiit ni Belgica na habang hindi napapatunayan ang paratang kay Cabangbangan ay mananatili ito sa kanyang puwesto.
Nabatid na ang Boys Town ay nasa ilalim ng pamamahala ni Manila Social Welfare Jose Baranda at siya ring nagtalaga sa puwesto kay Cabangbangan.
Bukod sa pang-aabusong seksuwal, iimbestigahan din umano ang isang Ryan Ponce, deputy ni Baranda dahil sa umanoy pagmamantine nito ng mga panabong na manok at piggery sa loob ng Boys Town.
Magugunita na ang Boys Town na matatagpuan sa Parang, Marikina ay itinatag ni dating Manila Mayor Mel Lopez noong dekada 90 para alagaan ang mga batang lansangan at mga ulila.
Kaugnay nito, isang resolusyon naman ang isinusulong nina Manila 1st district Councilor Atong Asilo at 2nd district Councilor Rolan Valeriano upang rebisahin ang pamamalakad sa Boys Town sa layuning maiwasan ang ganitong mga pang-aabuso sa mga kabataang inaalagaan dito. (Gemna Amargo-Garcia)