Illegal recruiter hi-tech na rin

Ibinulgar kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na naging hi-tech na ngayon ang mga sindikato ng illegal recruitment dahil sa pamamagitan na ng internet ang kanilang isinasagawang pakikipagtransaksyon sa kanilang mga binibiktima na nais na magtrabaho sa ibang bansa.

Sinabi ni NBI acting director Nestor Mantaring na bagong modus-operandi ngayon ng mga illegal recruiter ang pagpo-post ng anunsiyo para sa aplikasyon sa trabaho sa mayayamang dayuhang bansa sa pamamagitan ng kanilang website.

Isasagawa umano ang transaksyon para sa personal na impormasyon ng aplikante sa pamamagitan ng e-mail at maging ang pagbabayad ng placement fee, application fee at processing fee ay idadaan sa internet sa pamamagitan ng pagbibigay ng account number sa bangko o credit card ng biktima.

Halos imposible na umanong mahabol ang naturang sindikato dahil napakahirap kilalanin ng mga taong nagmamantine ng mga website sa internet at maging ang kanilang opisina.

Halos araw-araw ay nakakatanggap ng reklamo buhat sa mga biktima ng illegal recruitment kaya ipinayo nilang sundin ang mga tips na inihanda ng NBI at POEA para hindi sila mahulog sa ganitong mga modus operandi. Una nga rito ay kumpirmahin na lisensiyado ang agency sa POEA.

Gayunman, may ilang ahensiya naman na ang modus operandi ng recruitment agency ay ang pagtanggap at pagsingil sa napakaraming aplikante ngunit kokonti lamang pala ang kanilang job order sa ibang bansa kaya ipinapadala muna ang mga aplikante sa mga restaurant o hotel para sa umano’y kanilang on-the-job-training (OJT). (Danilo Garcia)

Show comments