Ang mga arestadong suspect ay sina FO2 Noel Bernardino, 42, arson investigator; FO1 Felix Temporoza, 37, arson investigator at Fortunato Alde, 43, fire safety investigator, pawang nakatalaga sa Quezon City Central Fire Station sa Agham Road, Quezon City.
Samantala ligtas namang nabawi buhat sa mga ito ang biktimang si Mitsunao Koshine, 57, tubong Tokyo, Japan at pansamantalang nanunuluyan sa Contemporary Hotel sa No. 8-G Araneta Avenue, Quezon City.
Sa panayam kay Chief Supt. Nicasio Radovan, hepe ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-8 ng gabi nang maaresto ang mga suspect sa isinagawang operasyon sa gilid ng istasyon ng tinutuluyang quarters ng mga ito sa Agham Road.
Nabatid na humingi ng tulong ang kaibigang Pinay ng biktima na si Lovely Loremas hinggil sa pangingikil umano ng mga suspect sa dayuhan ng halagang P75,000 kapalit ng kalayaan nito kaugnay ng ginawang tangkang panununog sa sasakyan ng isang Jimmy Sy, noong nakalipas na Mayo 30 sa La Loma St., Quezon City.
Sa reklamo ay sinasabing isang linggo nang hawak ng mga suspect ang biktima at ikinulong sa loob ng nasabing fire station nang walang kasong isinasampa kung saan humingi umano ng nasabing halaga ang mga huli para sa pagpapalaya sa Hapones.
Bumaba naman sa P40,000 ang demand money ng mga suspect kung saan nagkasundo ang mga ito na magkita sa gilid ng fire station subalit lingid sa mga ito ay nakaantabay na ang mga pulis kung saan aktong iniaabot ang pera ay dinamba na ang mga ito ng operatiba. (Angie Dela Cruz)