P160-M sangkap ng shabu nasamsam

Nakumpirma kahapon ang nagaganap na pagpupuslit ng bultu-bultong ebidensiya ng ilegal na droga sa Philippine National Police (PNP) matapos na masamsam ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang may P160 milyong halaga ng Ephedrine buhat sa isang opisyal ng pulis sa isinagawang operasyon sa Quiapo, Maynila.

Sa ulat na inilabas ng NBI, dalawang suspect ang nadakip sa isinagawang operasyon na nakilalang sina Samsodin Pamantar, alyas Allan, 31, ng Elizondo St., Quiapo at Romeo Alac, alyas Minong, 27, ng San Andres, Maynila.

Nakikipagkoordinasyon naman ngayon ang NBI sa PNP para sa ikadarakip ng itinuturong supplier ng sindikato na si Inspector Roderick Baguno, nakatalaga sa Iloilo PNP, habang pinaghahanap naman ang isa pang suspect na nakilala lamang sa alyas na Omar.

Ayon sa NBI Anti-Illegal Drugs Task Force, isang informant ang nagbulgar kay Atty. Edmund Arugay, deputy director for intelligence nitong unang linggo ng Mayo ukol sa malakihang bentahan ng Ephedrine sa Quiapo. Ayon sa ulat, isang Omar umano ang nagbebenta ng dalawang sako ng Ephedrine sa halagang P1.5 milyon.

Nabatid na ang Ephedrine ay isang pangunahing sangkap sa produksyon ng shabu na ginagamit sa mga shabu laboratory sa bansa.

Kamakalawa, isang ahente ng NBI na nagpanggap na buyer ang nakipagkasundo sa pagbili ng dalawang sako ng Ephedrine kung saan isasagawa ang bayaran sa panulukan ng M. dela Quinta St. at Globo de Oro sa Quiapo, Maynila.

Unang sumalubong sa buyer ang mga suspect na sina Baguno at Alac hanggang sa sumakay sila ng taxi at nagpaikut-ikot sa Maynila bago dumating sa Quiapo. Matapos na magkabentahan ay bigla nang sumulpot ang mga nakabuntot na tauhan ng NBI at PDEA kung saan nadakip sina Pamantar at Alac habang nagawa namang makatakas nina Baguno at Omar.

Ipinagtapat ni Alac na nagbuhat umano kay Baguno ang ibinebenta nilang Ephedrine na nakaimbak sa bahay nito sa San Andres, Maynila.

Napag-alaman na si Baguno ay dating nakadestino sa Criminal Investigation and Detection Group-Anti Transnational Crimes Division na sumalakay sa isang abandonadong townhouse sa Luzon Avenue sa Quezon City na dito nakakumpiska ng P1.6 bilyong halaga ng Ephedrine.

Ipinag-utos ni PNP chief Director General Arturo Lomibao sa PNP Region 6 ang agarang pag-aresto kay Baguno.

Show comments