Gambling lord dinukot sa Navotas

Dinukot ng armadong kalalakihan ang kilalang "big-time gambling lord" at negosyante ng Metro Manila, kahapon ng hapon sa bayan ng Navotas.

Sa inisyal na impormasyong nakalap, si Augusto "Aging" Lisan, 62, ay dinukot ng hindi kilalang mga armadong kalalakihan dakong alas-3 ng hapon sa panulukan ng Ignacio at Yangco Sts., Brgy. Navotas East.

Nabatid na sakay ng kanyang big bike na motorsiklo ang biktima at binabagtas ang nabanggit na lugar nang harangin ng mga suspect.

Agad na kinaladkad ng mga suspect ang biktima at pinasakay sa isang puting Mitsubishi Adventure na may control number na 709 at pinaharurot patungong M. Naval St., palabas ng C-4 Road.

Hindi pa mabatid kung ano ang posibleng motibo sa naganap na pagdukot sa biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments