Sa initial findings ng pulisya sa kakaibang kaso, sinabi ni C/Insp. Rolando Vilar, hepe ng Criminal Investigation Division ng Eastern Police District Annex (CID-EPD) inaalam pa nila kung totoong pinatay nga ang suspect o isa itong kaso ng pinekeng kamatayan ni Herman Gacosta Jr. editor ng Marketing Insight Magazine at residente ng No. 8 Lansones St. Proj. 2 Quezon City.
Napag-alaman kay Vilar na noong Hunyo 3 ng gabi ay nahuli ng security camera si Gacosta na isa-isa nitong kinuha ang ibat-ibang mamahaling gamit sa kanilang opisina katulad ng laptop computer, dalawang handheld radio, tripod, motorola cellphone at dalawang mamahaling camera na umaabot sa halagang P200,000 lahat sa loob ng kanilang tanggapan sa Tektite Building na matatagpuan sa Ortigas Center sa Pasig City.
Bukod dito kinuha pa ng suspect ang halagang P32,000 na cash ng kanyang publisher na si Manuel Jose Oyson ng magtungo ito sa kanilang bahay bago ang pagnanakaw sa kanilang opisina.
Subalit laking gulat na lang ni Oyson ng noong Lunes ng umaga (Hunyo 5) ay may isang hindi nagpakilalang lalaki ang nagsoli ng ninakaw na laptop at Olypus camera ng suspect at iniwan ito sa sekyu ng kanilang tanggapan.
Nang buksan ni Oyson ang computer unang bumungad ang litrato ni Gacosta na patay at isang sulat na nakapangalan para sa una.
Nakasaad sa dalawang pahinang sulat na naglalaman ng Youve made a lot of enemies, Atty. Oyson. Pity the poor fellow we used to get back on you. Your helpless employee is dead because of your meddling.
Nakasaad din sa sulat na pinatay ang suspect ng isang sindikato upang mapatahimik siya nito.
Dahil dito agad na nagtungo sa himpilan ng pulisya si Oyson upang ipa-blotter ang pangyayari.
Saad naman ng pulisya na posibleng gawa-gawa lamang ang sinasabing pagpatay sa suspect, upang makaligtas ito sa kasong isinampa sa kanya ni Oyson.
"Imposibleng hindi malalaman ng media na pinatay siya, kasi kahit business writer siya siguradong malalaman yun. Ngayon pa na sobrang init yung issue sa media killings" saad naman ni PO2 Roderick Quiton, imbestigador ng kaso. (Edwin Balasa)