Dead on arrival sa Malvar General Hospital ang biktimang si PO1 Noel Penaflor nakatalaga sa nabanggit na himpilan ng pulisya matapos na magtamo ng dalawang tama ng bala sa likod.
Ayon kay Supt. Julius Cesar Abanes, naganap ang insidente dakong alas-9:15 ng gabi sa footbridge sa harap ng Diliman Preparatory School sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Pauwi na ang biktima nang biglang bumuhos ang ulan kung kayat ipinasya nito na magpatila na lamang muna sa ilalim ng over pass.
Subalit biglang sumulpot ang dalawang hindi pa nakikilalang holdaper at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima ng dalawang ulit.
Tinangay ng mga suspect ang pera at alahas ng biktima subalit nakapagtatakang hindi kinuha ng mga suspect ang service pistol ng biktima na 9mm.
Isang guwardiya naman ang nakakita umano sa insidente na gagamitin ng pulisya upang isalarawan ang mga suspect.
Inaalam din ng pulisya kung may kaaway ang biktima at paghihiganti ang motibo ng pamamaslang at tinangay ang personal na gamit nito upang ilihis ang imbestigasyon ng pulisya.
Samantala, naaresto naman ng mga tauhan ni QCPD-Baler Police Station 2 chief, Supt. Raul Petrasanta si Julie Miranda, 28, ng Brgy. Pichayan, Diliman matapos na ireklamo ng panghoholdap ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Edelwina Sarmiento, 40.
Nabatid na nag-aabang ng masasakyan ang biktima sa Alley 2, Brgy. Project 6 nang biglang tutukan ng baril ng suspect at mabilis na kinuha ang pera at cellphone nito.
Subalit bago tuluyang nakalayo ay nakahingi naman ng tulong ang biktima sa mga pulis.
Nakuha sa suspect ang isang improvised handgun at 10 pulgadang kutsilyo.
Ayon kay Petrasanta, 24-oras ang kanilang pagpapatrolya sa mga lugar na kadalasang pinamumugaran ng mga holdaper lalo pat simula ng klase kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga estudyante. (Doris Franche)