Sa anim na pahinang resolusyon na ipinalabas ni DOJ Secretary Raul Gonzalez, mabigat umano ang ebidensiya upang sampahan sa korte ng kasong carnapping sina Sr. Insp. Pepito Garcia; Insp. Joven Trinidad; Insp. Angelo Nicolas; SPO2 Adolfo de Ramos; SPO2 Severino Busa; PO3 Josefina Caliora; PO3 Renato Gregorio; PO2s Rogie Pinili at Rogelio Rodriguez at PO1 Richel Creer.
Ayon kay Gonzalez, wala umano siyang nakitang dahilan upang baligtarin ang naunang resolusyon na ipinalabas ni Malabon City Chief Prosecutor Jorge Catalan na nagrekomenda ng pagsasampa ng kasong carnapping ang mga nasabing pulis.
Batay sa record ng korte, sinalakay ng mga pulis ang bahay ni Shi Zheng Pang sa Jasine St. Araneta Village, Potrero, Malabon noong Agosto 16, 2003 dahil sa umanoy pag-iingat ng iligal na droga.
Subalit matapos ang raid ay tinangay din ng mga pulis ang Honda Civic at Mitsubishi Delic ni Pang at hindi pa isinasauli bagamat nadismis na ang kaso laban sa Intsik.
Binigyan-diin ni Gonzalez na malinaw na may intensiyon ang mga pulis nang dalhin nila ang dalawang sasakyan bagamat hindi naman kasama sa search warrant.
Lumilitaw din na nadiskubre ni Pang na ginamit ng mga pulis ang mga kinuhang sasakyan dahil pina-renew pa umano ng mga ito ang rehistro nito. (Grace Amargo- Dela Cruz)