Koreana patay sa sakal ni mister

Pinatay sa pamamagitan ng pagsakal ang isang misis na Koreana na natagpuan ang bangkay sa loob ng kanilang sasakyan kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City. Hinihinala naman na ang kanyang Koreanong mister ang suspect sa naganap na krimen.

Nakilala ang nasawi na si Hye Ran Yang, 43, habang pinaghahanap naman ang kanyang mister na si Kim Sung Kwang na sinasabing mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen kasama ang 4-anyos nilang anak na lalaki. Ayon sa salaysay ng mga katulong ng mag-asawa na sina Maricel Uy, 29; at Mary Ann Rubencer, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang kanilang mga amo sa loob ng bahay sa 50 Tahanan Village, Brgy. BF Homes ng nabanggit na lungsod.

Pagkatapos ng away ay nakita nila ang kanilang among lalaki na karga ang misis nito at ang anak nila na pumasok sa kotse na nakaparada sa loob ng compound. Inakala ng dalawang katulong na umalis ang mag-anak hanggang sa matuklasan nila dakong alas-2:12 ng madaling-araw ang bangkay ng kanilang among babae sa loob ng sasakyan. (Lordeth Bonilla)

Show comments