Matapos na ipagbawal ito sa Quezon City, mahigpit na rin itong ipagbabawal sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Councilor Greco Belgica, panahon pa upang bigyan ng ngipin ang ordinansa sa Maynila na nagbabawal sa mga motel, lodge inn at iba pang katulad na establisimyento na magsagawa ng 3 hour policy o short time.
Nabatid na mahigit na sa 14 na taon na mayroong ganitong ordinansa na inakda ni dating Konsehal John Concepcion subalit patuloy pa rin ang paglabag na ginagawa ng mga may-ari ng motel at inns dito.
Bunsod nito kayat umaksyon ang lokal na pamahalaan at sundan ang ipinapatupad na ganitong kautusan sa Quezon City. Iginiit pa ng konsehal na napapansin lamang ang naturang ordinansa kapag Araw ng Puso lamang at ang kawalan umano ng political will ang dahilan kayat hindi mahigpit na naipapatupad ang nasabing ordinansa tulad ng nangyayari sa ordinansa sa curfew sa mga kabataan.
Nadiskubre rin ni Belgica na dinadaya ng mga motel owners ang lokal na pamahalaan sa pagbabayad ng buwis dahil walang resibong iniisyu ang mga ito sa kanilang mga kostumer. (Gemma Amargo-Garcia)