Prosecutor, abogado ng ‘Batasan 5’ nagkainitan sa hearing

Nagmistulang mga bata makaraang magkainitan kahapon ang panig ng Department of Justice (DOJ) at ang kampo ng limang partylist representative nang murahin ng abogado ng mga ito si State Prosecutor Emmanuel Velasco kahapon sa Makati City Regional Trial Court (RTC).

Habang kinakapanayam ng mga mamamahayag si DOJ State Prosecutor Velasco, minura at ininsulto ito ni Atty. Romeo Capulong, abogado nina Partylist representative Satur Ocampo; Teodoro Casino, Joel Birador, Wilfredo Mariano ng Bayan Muna at Liza Masa ng Gabriela sa labas ng sala ni Judge Renato Quilala, Makati City RTC, Branch 57. Hindi naman pumatol si Velasco at katwiran lamang nito ay pairalin aniya ni Capulong ang pagiging professional dahil trabaho lamang ang kanyang ginagawa at walang personalan.

Samantala, tiniyak naman ng korte na hindi muna sila mag-isyu ng warrant of arrest laban sa limang mambabatas na kinasuhan ng rebellion dahil reresolbahin muna ang "motion to consolidate" na isinampa ng DOJ. Ibig sabihin, isama ang Batasan 5 sa kasong rebellion nina Anak Pawis Partylist representative Crispin Beltran at Lt. Lawrence San Juan, samantala, motion to dismiss naman ang isinampa ng panig ng depensa.

Matatandaan na may mosyong nakabimbin ang Batasan 5 sa Supreme Court, ang Judicial Determination of Probable Case na ayon dito, hindi dumaan sa Preliminary Investigation (PI) sa piskalya kung saan ang kanilang kasong rebelyon ay dumiretso sa korte. (Lordeth Bonilla)

Show comments