Rambol: Tanod dedo, 4 pa sugatan

Isang barangay tanod ang nasawi habang sugatan naman ang apat pa matapos na masaksak at tamaan ng malalaking tipak ng bato sa pagresponde nito sa sumiklab na "gang war" sa Paco, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot sa pagamutan ang nasawing biktima na si George Dorero, 48, ng Antonio Isip St., Paco, Maynila.

Ginagamot naman ngayon sa Ospital ng Maynila ang mga kasamahan niyang tanod na sina Ernesto Diocales, 49; Dominador Tioson, 56; Rodel Bilano, 43, jeepney driver at Daniel Paglalunan, 17.

Patuloy na pinaghahanap ang walong nakatakas na suspect na pawang miyembro ng tinatawag "OGD Gang". Isa sa mga ito ay nakilala lamang sa alyas na Marlon Lukot.

Nabatid na mag-isang naglalakad sa naturang lugar ang tinedyer na si Paglalunan nang harangin ito ng mga suspect at agad na undayan ng saksak ni Marlon Lukot. Nagawa namang makatakbo ni Paglaluan sa may Fabie St. kung saan namataan ito ng mga nagrorondang barangay tanod.

Hinabol ng mga tanod ang tumatakas na suspect na dito na sila pinaulanan ng malalaking tipak ng bato ng grupo ng huli, hindi pa nasiyahan sinugod pa ng mga suspect ang grupo ng biktima na pinagpapalo ng kahoy at pinagsasaksak.

Mabilis na nagsitakas ang mga suspect matapos makitang duguang humandusay ang tanod na si Dorero. (Danilo Garcia)

Show comments