Ito ang katanungan ng mga preso sa Manila City Jail (MCJ) matapos nilang madiskubre na hinahaluan ng apog ang kanin na kanilang kinakain sa araw-araw.
Sa salaysay ni Aling Helen, na ang anak na si Taruk ay nakapiit sa kulungan dahil sa paglabag sa anti-illegal drug act, na isa ang kanyang anak sa mga daan-daang inmates na kumakain ng kanin na may halong apog sa loob ng tatlong taon simula nang makulong ito.
Inamin naman ng isa pang inmate na si Akong Guianan na ang pagkain nila ng apog ay hindi umano maiiwasan dahil sa ginagamit umano itong pampaalsa sa kanin upang dumami dahil sa kulang umano ang budget ng MCJ kayat kinakailangang haluan ng 4:1 ratio ang kanilang sinaing na bigas.
Lumalabas na isang kilong apog ang isinasama sa bawat apat na kilong bigas na sinasaing sa bawat meal ng mga preso kayat umaalsa ito at bumubuhaghag para dumami.
Ayon naman kay Boyet San Gabriel ng Manila Health Sanitation Dept., ang apog ay isang preservative at kadalasang ginagamit sa mga emergency cases tulad ng mga basura kapag nangangamoy na ito at sa mga patay o nasunog na katawan ng tao dahil ito ay nagsu-suppress ng mabahong amoy.
Subalit kapag ang isang pagkain tulad ng kanin ay nahaluan ng foreign substance ay nagiging adulterated na ito at maaaring magdulot ng poisoning na siyang immediate effect nito sa katawan ng tao. (Gemma Amargo)