Halos magtakbuhan ang mga naglalamay nang makita ang tinatayang nasa tatlong talampakang haba ng sawa na nakapulupot sa leeg ng bangkay ni Osiclo "Mang Sixto" Ortiz, ng Asogue St. Tugatog, Malabon.
Sa panayam kay Elizabeth Ortiz, anak ng nabanggit na albularyo, dakong alas-9 ng gabi nang makita ang nasabing sawa na nakapulupot sa leeg ng huli sa loob ng kabaong nito.
Dahil sa nasabing kababalaghang naganap ay nagkaroon ng sisihan sa pagitan ng ilang kamag-anak ng pinaglalamayan at ng namamahala sa Ocampo Funeral Homes sa Brgy. Potrero, Malabon City, ang punerarya na nag-embalsamo sa bangkay ng nabanggit na albularyo.
Isinisi ng ilang mga kaanak ng albularyo sa nasabing punerarya ang pagkakaroon ng sawa sa loob ng kabaong.
Sinabi naman ni Mrs. Fely Ocampo, may-ari ng punerarya na sa loob aniya ng halos 12 taon nilang pagseserbisyo ay minsan man ay hindi sila pumalpak at ngayon lang sila nakakita ng ganitong kababalaghan sa mga patay na kanilang sinerbisyuhan.
Natigil lamang ang sisihan at komosyon nang ipagtapat ni Elizabeth sa mga kaanak nito at sa iba pang naglalamay na isa umanong "tawak" ang kanyang ama.
Isinilang umano ang naturang albularyo na may kakambal na ahas at bukod sa pagiging magaling nitong albularyo ay mahusay din itong manggamot ng mga nakakagat ng ahas noong ito ay nabubuhay pa.
Lumabas umano ang nasabing ahas na kakambal ng nasabing albularyo upang ipakita ang kanyang simpatiya sa pagpanaw ng kanyang kakambal.
Nabatid na namatay ang albularyo noong Mayo 23 at habang isinusulat ang balitang ito ay wala pa ring naglalakas loob na alisin ang nasabing ahas sa leeg ng albularyo sa loob ng kabaong nito.
Pinag-iisipan naman ng mga kaanak ng albularyo kung isasama na lamang ang nasabing ahas sa paglibing sa bangkay.