Presinto 7 ng MPD muling nasalisihan ng preso

Muling natakasan ng isang kilabot na suspect sa pamamaril at pamamaslang sa tatlong lalaki ang Manila Police District (MPD) -Station 7 matapos na itakas ng live-in partner nito papalabas sa pagamutan sa Quezon City.

Sa inisyal na ulat, itinakas sa loob ng Quezon City General Hospital ang suspect na si Dexter Herrera, 34, binata, ng Tuseco St., Tondo.

Si Herrera ang itinuturong bumaril at nakapatay sa mga biktimang sina Edwin Namucod, 39; kapatid nitong si Esperajun Namuod, 41, OFW at si Jose Nap Villafuerte, 25, pawang mga residente ng Almeda St., Tondo.

Inihahanda naman ngayon ang pagsasampa ng kasong "infidelity in the custody of prisoner" sa duty guard na si PO2 Domingo Ortilla, nakatalaga sa MPD-Station 7.

Matatandaan na pinagbabaril at napatay ni Herrera ang tatlong biktima sa gabi ng piyesta ng Nuestra Señora de Guia noong Mayo 7. Kinuyog at sinaksak naman ang suspect ng mga galit na kamag-anak at taumbayan kung saan isinugod siya sa Quezon City General Hospital.

Nabatid na umalis umano sa pagbabantay kay Herrera si Ortilla matapos ang kanyang duty nang pumatak ang alas-3 ng hapon noong nakaraang Sabado sa kabila na hindi pa dumarating ang karelyebo niya na si PO2 Rommel Dimagiba na meron namang pinuntahang emergency sa pamilya.

Base naman sa logbook ng pagamutan, inilabas ang suspect ng isang babae na umano’y live-in partner ni Herrera dakong alas-5:30 ng hapon sa kawalan ng nagbabantay na pulis. (Danilo Garcia)

Show comments