Apartelle na front ng prostitution, isasara

Nagbabala si Quezon City 2nd District Councilor Winston Castelo laban sa mga may-ari ng apartelle na kanyang ipasasara ang mga ito sakaling mapatunayang ginagamit itong front ng prostitusyon.

Ayon kay Castelo, ang pagpapanggap ng mga may-ari ng ‘pink houses’ ay nagpapalala sa problema sa prostitusiyon na ikinababahala ng mga publiko.

Nabatid na nakakapag-operate ang mga ‘pink houses’ gamit ang imahe ng mga apartelle samantalang nagaganap ang bentahan ng laman.

Sa ilalim ng city ordinance SP-189 -S-94, pinapayagang mag-operate ang mga apartelle kung may 25 kuwarto ito na may sala at kusina at ang bawat unit ay uupahan ng hindi bababa sa 24 oras.

Subalit sa reklamong natanggap ni Castelo mula sa civic at religious group, tanging kama lamang ang makikita sa mga ‘pink houses’ na nagpapanggap na mga apartelle.

Bunga nito, hinikayat ni Castelo ang konseho na agarin ang pag-apruba sa kanyang resolusyon na naglalayong mapasara ang mga ‘pink houses’ at makasuhan ang mga operators nito.

Aniya, nakakalungkot isipin na layunin ng city government na sugpuin ang problema sa prostitusiyon samantalang may mga negosyanteng isinasakripisyo ang kinabukasan ng ilang pamilya. (Doris Franche)

Show comments