Ayon kay MMDA General Manager Robert C. Nacianceno, layunin ng ahensiya na mapabuti ang pagbibigay serbisyo sa publiko at para maging mas mabilis ang pag-aksiyon sa mga untoward incidents sa lansangan, hindi lamang sa trapiko, maging sa iba pang uri ng insidente na maaaring ipaabot sa kinauukulang ahensiya.
Pinangasiwaan ni Metro Road Rules Enforcement System Director Mon Santiago ang distribusyon ng isang libong plan-500 Smart Nokia 6101 na may camera at video na kailangan ma-MR sa empleyado dahil bagamat libre ang nasabing accessory ay babayaran ito kapag nawala.
Ayon kay MMDA Traffic Operations Center (TOC) Executive Director Angelito Vergel de Dios, prayoridad na magkaroon ng cellphones ang mga enforcers na walang hand-held radios para makaagapay sa pagrereport ng traffic updates.
Nabatid na nakalinya ang cellphone at may load na P500 kada buwan. Maaaring gamitin sa pagti-text ang P300 at P200 naman sa pagtawag. Kapag nag-exceed sa limit na P500, mananagot na rito ang empleyado at maaaring ibawas sa kanyang suweldo ang sobrang konsumo sa load na itinakda.
Sinabi ni MMDA Chairman Bayani F. Fernando na walang dahilan ang mga enforcer ngayon para hindi makapagreport ng traffic incident sa Metro Manila.
"Hindi maaaring ikatwiran ng enforcer na nakalimutan nitong mag-charge kaya na-low bat at hindi makapagreport. Kapag ganito ang idinahilan ng enforcer, hindi na nito kailangan ang trabaho kaya dapat ay palitan na siya sa puwesto," sabi pa ni Fernando. (Lordeth Bonilla)