Lolo at lola natupok sa sunog

Maging sa kamatayan ay hindi naghiwalay ang mag-asawang lolo at lola makaraang kapwa malitson nang ma-trap habang nasusunog ang kanilang bahay, kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog na umabot sa 2nd alarm.

Halos hindi na makilala ang mag-asawang sina Mario at Chit Ramos, kapwa 60-anyos, ng 41 Hernandez St., BF Homes, Phase III ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa pagsisiyasat ni SFO2 Teodorico Gatchalian, ng Parañaque City Fire Department, naganap ang insidente dakong alas-6:42 ng umaga mismo sa bahay ng mag-asawang Ramos sa nabanggit na lugar.

Sinasabing gising na ang mag-asawa bago pa naganap ang sunog at posibleng naging mabilis ang pagkalat ng apoy kung kaya nahirapan na ang mga ito na makalabas pa ng bahay.

Sinasabing napapalibutan ng metal grills ang buong kabahayan kaya posibleng na-trap ang mag-asawa.

Tanging ang mag-asawa lamang ang siyang nakatira sa bahay dahil sa may kani-kanya nang pamilya ang kanilang mga anak.

Dakong alas-8:30 ng umaga nang ideklarang kontrolado na ang sitwasyon . Natagpuan ang sunog na bangkay ng matandang lalaki sa master’s bedroon, samantalang ang babae naman ay sa may comfort room. (Lordeth Bonilla)

Show comments