Sa panayam ng PNP reporters, sinabi ni NCRPO Chief Director Vidal Querol na ang hakbang ay upang mapalakas pa ang police visibility at higit pang maging epektibo ang pagsawata sa mga krimen.
Sa rekord ng PNP, tumaas ang crime rate sa Kalakhang Maynila ng 11.3% sa unang bahagi ng taong ito.
Ayon kay Querol, ang karagdagang puwersa ng pulisya ay kanilang ipupuwesto sa mga lugar kung saan mataas ang insidente ng krimen gaya ng snatching, robbery, hold-up at iba pa.
Kabilang sa mga lugar na itinuturing na crime prone area ay ang kahabaan ng Aurora Blvd. sa Cubao, Quezon City; kahabaan ng C.M. Recto, partikular na sa university belt; Luneta; Monumento sa Caloocan; Rotonda sa Pasay City; Crossing sa Mandaluyong City; Rotonda at Libertad sa Pasay City at iba pa.
Sa nasabing mga lugar madalas umatake ang mga masasamang elemento kayat ayon kay Querol ay dito nila paiigtingin ang police visibility.
Nabatid na 24-oras na magroronda sa magkakaibang shift ang mga pulis ng NCRPO sa itinuturing na mga crime prone areas.
Inihayag pa ni Querol na magdaragdag din ang NCRPO ng mga motorcycle cops, partikular sa mga lungsod ng Pasay at Valenzuela kung saan mataas naman ang insidente ng mga krimeng kinasasangkutan ng tinaguriang "motorcycle riding in tandem". (Joy Cantos)