Hindi na umabot nang buhay makaraang isugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang mga biktimang nakilalang sina Edwin Namucod, 39; kapatid nitong si Esperajun Namucod, 41, OFW at si Jose Nap Villafuerte, pawang residente ng Almeda St. Tondo, Manila.
Ginagamot naman ngayon sa Quezon City General Hospital dahil sa tinamong saksak at bugbog sa taumbayan ang suspect na si Dexter Herrera, 34, ng Yuseco St., Tondo.
Sa ulat ng MPD-Homicide Section, dakong alas-10:30 ng gabi nang magkaroon ng pagtatalo sa gitna ng inuman ng mga biktima at suspect. Nakainitan umano ni Herrera ang kapitbahay nilang si Rommel Talab ngunit napayapa naman agad ang mga ito.
Muli namang nilusob ni Herrera ang bahay ni Talab na armado ng isang baril ngunit nagalit ito nang hindi makita ang hinahanap.
Niyakap naman ng biktimang si Edwin ang suspect upang mapayapa subalit inakala naman ng huli na pinagtutulungan siya kaya nagpipiglas at walang habas na namaril.
Nang maubusan ng bala, nagtatakbo patungo sa isang eskinita si Herrera ngunit dito ito inabutan ng mga galit na kamag-anak ng mga biktima at iba pang taumbayan kung saan pinagtulungan itong bugbugin at saksakin.
Nasa kritikal na kondisyon si Herrera na nahaharap din sa kasong multiple murder. (Danilo Garcia)