Nakilala ang mga nasapak na sina JR Labancio ng Journal Group; Penny Pineda ng Remate; Art Son ng Abante at ang driver nitong si Norman Tolentino. Gulpi-sarado rin ang inabot ng traffic enforcer na si Ricardo Angeles.
Nakilala naman ang mga inireklamong suspect na sina Carl Stephen Lim, 19; Jason Andoloy, 26; Benedict Chan; Stephen Chang, 23; Robby Chua, 23 at Licup Hung.
Ayon sa ulat, unang nadala ang mga suspect sa Traffic Police Station makaraang bugbugin ng mga ito si Angeles na isinugod sa East Avenue Medical Center dahil sa matinding gulpi na tinamo nito.
Sa inisyal na ulat, nagalit umano ang mga suspect kay Angeles nang mamagitan ito sa kinasangkutang aksidente ng grupo ng mayayamang kabataan sa nabanggang isang taxi cab.
Sa loob ng traffic police station, ang mga nagkokober na mediamen naman ang pinag-initan ng mga suspect na pinagtulungang bugbugin sa harap ng mga pulis.
Galit namang ipinakulong ni NCRPO director Vidal Querol ang mga suspect kasabay nang pag-uutos na ipa-drug test ang mga ito at halughugin ang kulay gray na Toyota Rav 4 na sinasakyan ng mga ito na may plakang DON 777 dahil sa hinalang nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot ang mga ito.
Isa sa mga suspect ang nagmamalaki pa na anak umano siya ng isang Commodore Chan ng Phil. Navy, bagay na tinawanan lang ni Querol.
Inihahanda na ang kaso laban sa mga suspect na Tsinoy. (Angie dela Cruz)