Darius Razon kinasuhan ang babaeng kasama ng anak nang maaksidente

Kinasuhan sa Quezon City Prosecutors Office ni dating singer at Mandaluyong City Councilor Darius Razon ang babaeng kasama ng kanyang anak na si Denver Razon nang mamatay ito sa isang vehicular accident sa Quezon City.

Kasong reckless imprudence resulting to homicide ang isinampa ni Razon laban kay Marian Llenarizas Bustillos, 23, matapos na ma-establish na ito ang responsable sa pagkamatay ni Denver nang bumangga ang kanilang kotse sa isang poste sa Araneta Avenue sa Quezon City noong Marso 15 ng madaling-araw.

Lumilitaw sa resulta ng crime laboratory na ang truck na minamaneho ni Eunice Siason na unang sinisisi sa aksidente ay walang bakas na nabundol nito ang kotse ng mga biktima.

Bukod dito, matapos ang aksidente ay hindi man lamang nakipag-ugnayan sa kanila si Bustillos hinggil sa naganap na aksidente.

"Dito malalaman kung sino ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang may kasalanan," ani Razon. (Doris Franche)

Show comments