Sinabi ni Army Spokesman Major Bartolome Bacarro, pasado alas-3:15 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa 9th Ready Reserve Division Headquarters Building at mabilis na kumalat sa katabing Regional Command Defense Group building.
Agad namang isinantabi ni Bacarro ang anggulong sinabotahe o sadyang sinunog ang nabanggit na armory bagkus nilinaw nitong faulty electrical wiring umano ang pinag-ugatan nito base sa resulta ng inisyal na imbestigasyon base na rin sa salaysay ng nakasaksing security guard sa insidente.
Umabot sa 5th alarm ang insidente na nagpaabo rin sa may 185 na M16 at M14 rifle at dalawamput-limang libong bala at mga combat boots, habang 80 armas na lamang ang naisalba. Naapula ito dakong alas-4:30 ng madaling-araw.
Bandang alas-5 ng madaling-araw nang tuluyang maapula ang sunog matapos na magresponde ang mga elemento ng Fire Trucks ng Phil. Army at Phil. Air Force.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Bacarro patuloy pa ang isinasagawang imbentaryo upang alamin ang eksaktong bilang ng mga nasirang war materials at supply.
Kaugnay nito, maugong naman ang balitang umanoy sadyang sinunog ng ilang sundalo ang nabanggit na gusali dahil sa reklamong mabagal na usad ng promosyon, reklamo sa allowance at hindi maayos na pamamalakad ng ilang opisyal dito.
Nabatid na minsan nang idinaing ng ilang enlisted personnel ang kahigpitan ng ilang opisyal na nagpapababa sa kanilang moral.