Dakong alas-6 ng gabi kamakalawa nang matagpuan ng kanyang mga kasamahan ang wala nang buhay na biktimang si Joselito Vidal, 39, sa loob ng kulungan ng Regional Anti-Drug Special Operations Task Force (RAID SOTF).
Ayon kay Sr. Supt. Felipe Rojas Jr., Intelligence chief ng National Capital Region Police Office (NCRPO), natagpuan ang bangkay ng biktima na nakabigti gamit ang isang nylon cord na ipinulupot sa kanyang leeg at itinali sa magkabilang rehas na bakal.
Matatandaang naaresto si Vidal noong Abril 9 sa isinagawang buy-bust operation ng RAIDSOTF sa harap ng isang fastfood chain sa Baclaran.
Napag-alamang isang police poseur-buyer ang bumili ng 88 gramo ng shabu kay Vidal sa halagang P900,000.
Nang magkapalitan na ng droga at pera ang mga ito ay agad na nagsulputan ang iba pang kagawad ng pulisya na ikinaaresto rin ng tatlong kasamahan ni Vidal. (Edwin Balasa at Lordeth Bonilla)