Dalawa sa mga nadakip ang nakilalang mga lider ng magkaribal na sindikato ng droga na sina Wilfredo Zaraga, 49, lider ng grupong "Pideng" at Violeta Barramedo, 42, utak naman ng "Violys Group".
Nakilala ang pito pang mga galamay ng mga ito na sina Francisco Nolasco, 27; Carlo Jimenez, 22; Ronald Carpio, 36; Roger dela Cruz, 23; Jomel Ignacio, 53; Alberto Batong, 23; at Crisanto Perez, 48, pawang mga residente ng Cristobal St., Tondo.
Nabatid na sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AID SOTF) at Manila Police District ang naturang drug den sa may panulukan ng Cristobal at Atis Sts., Brgy. Magsaysay, Tondo.
Itoy matapos na magsagawa ng tatlong linggong surveillance ang MPD kung saan nakumpirma ang ilegal na pagbebenta ng shabu ng mga suspect sa naturang lugar.
Nabatid sa ulat na naglagay ng tolda ang mga sindikato sa lugar upang gawing front ang isang burol ngunit wala namang patay. Meron ding lalagyan ng abuloy ngunit itoy para sa bayad sa binibiling shabu ng mga dumadayong user.
Sa paghahalughog ng mga operatiba, natagpuan naman ang 10 pakete ng shabu na nakatago sa mga paso ng halaman sa lugar, limang bala ng kalibre .38 at mga shabu paraphernalia.
Hindi na nakapalag pa ang mga suspect nang agad na mapalibutan ng mga pulis ang naturang lugar. Nakilala namang sina Zaraga at Barramedo na siyang mga lider ng dalawang grupo base sa surveillance video na nakuhanan sa lugar.
Nagsasagawa pa ngayon ng masusing interogasyon ang pulisya sa mga nadakip na suspect upang mabatid ang koneksyon ng mga ito sa mga internasyonal na sindikato ng droga at mabatid ang pagkakakilanlan sa kanilang mga supplier.
aInihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga nadakip. (Danilo Garcia)