Fixers susuyurin sa QC

Malaki ang paniwala ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na tuluyan nang maiibsan kung hindi man tuluyang maglaho ang mga fixers sa iba’t ibang tanggapan sa naturang ahensiya.

Ito ang pahayag ni LTO Chief Anneli Lontoc hinggil sa pagkakasabatas sa isang ordinansa sa Quezon City hinggil sa anti-fixing law.

Sa ilalim ng naturang batas, may nakaambang parusang pagkabilanggo at kaukulang multa ang mga mahuhuling fixer sa iba’t ibang tanggapan sa Quezon City tulad ng LTO, LTFRB, BIR, National Statistic Office (NSO), Quezon City Hall at SSS. Sa darating na Lunes, pormal nang ilalatag ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte sa isang flag ceremony sa QC Hall kay LTO chief Lontoc ang naturang batas tungkol sa fixing law.

Ang naturang hakbang ay isang hudyat na magiging zero fixer na ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na nasa loob ng Quezon City.

Si Lontoc ay isa sa mga hepe ng mga government agencies sa QC na humikayat sa QC Council na magpatupad ng isang batas para mapigilan ang paglipana ng mga fixers sa LTO. (Angie dela Cruz)

Show comments