Gay dance instructor itinumba

Isang ‘gay’ dance instructor ang binaril at napatay ng isa sa dalawang lalaki, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si Joselito Palacio, 26, alyas Jocel , dance instructor ng nabanggit na lungsod.

Pinaghahanap naman ang dalawang suspect na nakilala sa mga alyas na Jun-jun at Jeff na mabilis na nagsitakas matapos ang pamamaril.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng C-3 Road at Torcillo St., Brgy. 8, Dagat-Dagatan ng nasabing lungsod.

Ayon sa mga saksi na kaibigan ng biktima, bago maganap ang insidente ay nakita nilang kausap ni Jocel ang mga suspect.

Ilang sandali pa ay narinig na ang pag-alingawngaw ng putok ng baril kung saan nakita na nakahandusay ang biktima habang mabilis namang nagsitakas ang mga suspect.

Hindi pa mabatid ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima, habang pinaghahanap naman ang mga suspect. (Rose Tamayo)

Show comments