Nakilala ang biktima na si Ku Kug Jin, 45, may asawa, reporter ng Korean Post na may circulation sa South Korea, at residente ng #93 Patag St., BF Homes, Parañaque City.
Sa ulat ng MPD-Homicide Section, dakong alas-7:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng dayuhan sa loob ng kanyang silver na Ford Escape (XNA-233) na nakaparada sa may Gen. Luna St., Paco.
Isa umanong mangangalkal ng basura ang unang nakadiskubre sa biktima matapos na silipin ang tinted na salamin nito. Dito nito ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang pagkakatagpo na rumesponde naman sa lugar na naging daan sa pagkakarekober sa bangkay.
Base sa imbestigasyon ni Detective Diomedes Labarda, sinabi ng mga kaanak ng biktima na nawawala pa buhat noong nakaraang Lunes (Marso 13) ang biktima nang umalis sa kanyang bahay at hindi na bumalik. Humingi na rin naman ng tulong ang mga ito sa pulisya upang agad na mahanap ang biktima.
Nakatutok ngayon ang pulisya sa dalawang anggulo, ang sigalot sa negosyo at sa pag-ibig. Ibinasura naman ang anggulo na pagnanakaw ang motibo sa pamamaslang dahil sa wala namang nawawala sa mga gamit ni Jin sa loob ng kotse at maging sa bahay nito.
Nabatid na isa sa may-ari ng beach resort na "Full House" si Jin sa may Anilao, Batangas. Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa mga kasamahan nito sa negosyo upang makakuha ng lead sa kaso. (Danilo Garcia)