Kinilala ang suspect na si PO1 Arnold Adto, nakatalaga sa Regional Headquarters Support Group ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at residente ng Sta. Barbara, San Mateo, Rizal, habang inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng isa pa nitong kasama.
Si Adto ay positibong kinilala ng biktimang si Engr. Fernando Lorenzo, 58, ng Midtown Subdivision, Brgy. San Roque, ng nasabing lungsod dahil sa naiwanan nitong wallet sa pinag-inumang beerhouse.
Ayon kay Sr. Insp. Edgardo Atendido, hepe ng Criminal Investigation Unit ng Marikina Police, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa harapan ng Aruray Bar and Restaurant na matatagpuan sa kahabaan ng Marcos Hi-way, Brgy. San Roque, ng nasabing lungsod.
Nabatid na papaalis na ng nasabing beerhouse ang biktima sakay ng kanyang dark green na Toyota Land Cruiser na may plakang UNF-510 nang lumitaw ang dalawang suspect na armado ng baril at kinumander ang nasabing sasakyan.
Pagsapit sa tapat ng eskuwelahan ng NCBA sa Aurora Blvd., Quezon City ay pinababa na ng mga suspect ang biktima sa nasabing sasakyan at tumakas patungong Cubao.
Mabilis namang nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima upang iulat ang pagkakatangay sa kanyang sasakyan.
Sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na galing din sa nasabing beerhouse ang mga suspect at nahulog pa ni Adto ang kanyang wallet sa pagmamadali. (Edwin Balasa)