UST stude binoga, patay

Nasawi ang isang 18-anyos na estudyante ng University of Sto Tomas (UST), makaraang barilin ito ng hindi nakikilalang suspect, kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.

Namatay habang ginagamot sa UST Hospital ang biktimang si Randal Von, Antolin, ng Block 19, Lot 26, Parkwood Hills, Bagong Silangan, Quezon City, sanhi ng isang tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa katawan.

Kasalukuyan namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspect na mabilis na tumakas sakay ng isang scooter na kulay blue makaraan ang insidente.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Division, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng P. Naval at I. delos Reyes St., Sampaloc, Maynila.

Nabatid na mag-isang naglalakad ang biktima sa nabanggit na lugar nang bigla na lamang itong harangin ng suspect sakay ng scooter at binaril ito.

Nagawa namang isugod ng mga nagpapatrulyang mga barangay tanod ang biktima sa nabanggit na pagamutan, subalit nasawi din ito makalipas ang ilang sandali. (Danilo Garcia)

Show comments