Hindi na naisalba ng mga manggagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng pagkakabagok ng ulo ang biktimang si Sandy Sunga, binata, ng #1208 Quiricada St., Tondo.
Sa ulat ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong ala-1:20 ng hapon sa isang gusali sa may panulukan ng Jose Abad Santos Avenue at Quiricada St., Tondo.
Inakyat ng biktima ang may 18-talampakang taas na firewall ng isang gusali ngunit agad na rumesponde ang rescue team ng Manila Fire Department. Tatlong oras na nakipagnegosasyon ang mga awtoridad sa biktima para bumaba habang inihahanda naman ang mga gamit upang akyatin ito. Naglatag din naman ng kumot sa tatalunan ng biktima upang mailigtas ito.
Habang nililibang si Sunga, nagulat na lamang ang mga tao nang biglang tumalon ito. Nasalo naman ng rescue team ang biktima sa inihain nilang kumot ngunit dahil sa bigat ng lalaki ay nakabitiw sa pagkakahatak ang ilan kaya nabagok din ang ulo nito sa semento.
Mabilis namang isinugod sa pagamutan si Sunga ngunit nasawi rin dakong alas-4 ng hapon dahil sa grabe ang pagkakabagok ng ulo nito sa semento. (Danilo Garcia)